Giliw

4

Giliw ko, ang bukal ng aking kaligayahan,
Bakit pinili mong sa mundong ito manahan
Samantalang nararapat ka sa karangyaan?

Napakarami kong nais ilaan sa iyo,
Bukod sa puso’t diwang pinanghahawakan ko,
Dahil dapat kang pag-alayan ng buong mundo.

Naaalala mo ba, sinta, na nanangis ka
Sa dahas ng kapalarang dinanas ng iba
Na umibig at ‘di nasilayan ang umaga?

Kaya naman, mahal, lagi mong alalahanin
Na labis ang hirap sa pag-abot ng mithiin
Nating maging walang hanggan ang ugnayan natin.

Ngunit, irog ko, pangako ko ay magtitiis
Upang makapiling ka sa ligaya’t hinagpis
At hiling ko’y ito rin ang iyong ninanais.

Giliw ko, pag-ibig mo ay aking kasiyahan.
Ikaw ang lakas at maging aking kahinaan.
Giliw ko, sinakop mo ang aking kaisipan.
Nawa’y ibigin mo ako hanggang walang hanggan.

Advertisements

Ang Diwata at ang Pantas (Unang Bahagi)

Minsan ay mayroong isang dalagang umibig sa isang binata, ngunit hindi pangkaraniwan ang pag-ibig na ito. Silang dalawa ay nananahan sa magkaibang mundo.

Ang binata ay matikas at mahinahon sa pakikitungo sa sino mang kaniyang makadaupang-palad. Siya rin ay masipag at mapag-aruga sa kaniyang mag-anak. Ngunit mababakas sa kaniyang mga mata ang silakbo ng silanganing dugong nananalaytay mula sa kaniyang puso tungo sa bawat sulok ng kaniyang katawan at pagkatao.

Ang dalaga naman ay marikit at mapagmatyag. Taglay niya ang kaalamang katumbas ang ‘di mabilang na mga taon. Siya ay tahimik kung kumilos at walang nakababatid sa kaniyang saloobin. Higit sa lahat, isa siyang makapangyarihang diwatang nangangalaga sa isang pook na mahalaga sa mga tao.

Unang nasilayan ng diwata ang binata noong magawi ito sa pook na sakop niya. Ang sadya ng binata doon ay ang kaniyang kapatid na naninirahan sa himpilan ng mga pantas. Tulad ng kaniyang kapatid ay nais din ng binatang mapabilang sa mga pantas ng kaniyang bayan.

Namalas ng diwata ang taglay na husay ng binata nang sumailalim ito sa mga pagsubok at pagsusulit upang maging isang pantas. Batid ng diwatang karapat-dapat ang binatang ito na maging isang pantas. At dahil na rin sa namumukadkad na pagtingin ng diwata sa binata, ay ninais na rin niyang manatili sa kaniyang pook ang binata.

Ilang buwan ding nanatili ang binata sa himpilan. Ilang beses ding namataan ng diwata na may kasiping ang binatang siyang nagpapalit ng irog nang mas madalas pa sa pagpapalit-anyo ng buwan. Marahil ay nagbunga ito ng poot sa puso ng diwata, at ginawa niya ang lahat sa abot ng kaniyang makakaya upang maitaboy ang lalaki mula sa kaniyang pook.

Nadama ng binata ng himagsik ng kaniyang kapaligiran. Daglian niyang nilisan ang himpilan at hindi na ipinagpatulong ang pagiging pantas.

Hindi nagtagal buhat ng paglisan ng binata ay sumiklab ang digmaan sa kanilang bayan. Nasiyahan ang binata dahil mayroon nang mapaglalagakan ang apoy ng kaniyang dugo, at hindi siya nagdalawang-isip pa na sumabak sa bakbakan. Ang mga pantas ng himpilan ay sumama rin sa pakikibaka, at ang diwata ay naiwang tumatangis sa kaniyang masalimuot na pagsinta.

Panaghoy ng Alimuos

manilatrees

Isang hamak na mukha na may napipiping tinig;
Isang munting patak sa malawak na karagatan;
Isang mahinang awiting nalulunod sa himig
Ng sigalot at sigwa nitong ating sanlibutan.

Bagaman nakatutok ang inyong mata sa akin,
Ay batid kong hindi ako ang inyong minamasdan.
Sapagkat ako’y nilampasan ng inyong paningin,
Palayo nang palayo sa pawang katotohanan.

‘Di ko mawari kung sino ang nagpasyang damitan
Ako’t ang mga tulad ko ng kaalimuosan.
Dahil ba sa hindi sapat ang aming kagandahan,
Salat sa karangyaan o anumang kayamanan?
Kaya ba napakadali sa inyong talikuran
Kami ay dahil kami ang inyong kapangitan?

Ang mga bangungot ba ay hindi dapat pansinin?
Ang panaginip lamang ba ang may silbi sa atin?
Wala bang tunguhin ang mga alabok sa hangin
Kaya sila’y nararapat lamang na maliitin?
Kaibigan, kaibigan, kami ay kapwa mo rin;
Hiling ko sa inyo, sana’y huwag kaming limutin.

Pag-angkin

Image-Eric-Kilby-Embrace-Sculpture1-700x467

Aangkinin kita hanggang sa maupos ka,
Ilaan mo sa akin ang iyong bawat hininga.
Ang tibok ng puso mo’y mapasa akin din nawa,
Gayon din ang iyong kaluluwang ‘sing tanda ng mga tala.

Sa bawat pagsilang at kamatayang iyong danasin
Nawa’y sa piling ko lamang iyong gugulin;
Sa mga bisig ko at sa aking damdamin
Sana ika’y tangayin tuwing iihip ang hangin.

Pagtangkilik ko sa iyo’y walang pinipiling panahon:
Sa liwanag, sa dilim; sa paglubog at pag-ahon.
Ikaw man ay magawi sa napakalayong nayon,
Ay susuungin ko ang mga nagngangalit na alon.

Sapagka’t, sinta, nais kong mabatid mo
Na tanging ikaw lamang ang iibigin ko
Sa simula at pagtapos at sa walang hanggan,
Ako ay tanging sa iyo lamang nakalaan.

Sa saksi’t kapangyarihan ng dakilang lumikha,
Sa paggising, panaginip, katotohanan at katha,
Ikaw lamang, ikaw lamang ang aking minimithi
At nais paglagakan ng pusong nagsusumidhi.

 

Waray Sa Maynila

philippines2-70-2

Namulat ako sa dakong silangan
Kung saan tangan ng hangin halimuyak ng karagatan;
At ang sikat ng araw ay malamyos kung humaplos
Sa balat ng sinuman na sa maghapon ay hapo.
Sa kandungan ng kalangitan ng gabi ay isinasaboy
Ng pilak na buwan ang di mabilang na bituin;
At aking uyayi sa payapang pagtulog
Ay ang awit ng along nababasag sa pampang.

Ngunit di sapat sa akin ang manahan sa paraiso–
Ako ay naakit ng pawang kamunduhan,
At ako’y dagliang lumuwas tungo sa kaunlaran
Na siyang pangako ng malawak na Kamaynilaan.

Aking dinatnan ay malayo sa inaasahan–
Itinapon ko pala ang sarili ko sa kawalan.
Ngunit ako ay isinilang ng isang sinapupunan
Na naglalagablab sa apoy ng katapangang
Bunsod ng aming lahi na siyang unang dinatnan
Ng mga nangahas na sakupin ating bayan.

Sinasabi nilang ako’y may sukbit na sundang,
Ngunit di patalim ang siyang nakakapit sa akin–
Ako ang siyang kumapit sa patalim.

Maynila, Maynila, ang lansangan mo’y ugat
Kung saan dumadaloy ang iyong buhay at sigla;
Ngunit heto ako ngayon, umaaligid
Sa iyong karimlan, pakay ay nalilingid
Sa mga mata mong tila parating nasisilaw
Sa mga kumukutitap at kumikinang na ilaw
Na minsan inakala ko ay mina ng ginto,
Ngunit di lahat ng kumikislap ay may yamang itinatago.
Tulad na lamang ng kislap na aking tangan ngayon
Na sa iba’y walang dulot kundi kapahamakan,
Ngunit sa akin ito lamang ang natatanging paraan
Upang isip ko ay malingat sa paraisong kinagisnan.

Ang mga bituin na aking tinitingala sa Samar
Ay tila nawawala sa kalangitan ng Maynila.
Ayun pala ay ibinaba at ikinabit
Sa matatayog at lumulukob na mga gusali;
Ang hangin naman kung saan noon ay naaamoy
Ang alat at lamig ng busilak na Pasipiko,
At kung saan naririnig alon at huni ng ibon
Katumbas sa lungsod ay usok at alingasaw
Na di matutumbasan ng anumang salita.

Kawatan man akong itinuturing dito sa Kamaynilaan,
Ako naman itong siyang hinablot mula sa kinagisnan.
Nabulag at napasunod ng mga pangakong walang laman,
At ngayong nahubaran ng aking kahihiyan,
Ay hindi na makakayang manumbumalik sa aking tahanan.
Ang aking puso at dugong isinilang sa silangan;
Ang pagiging Waray ko ang tangi kong pinanghahawakan:
Waray modo, waray upay ug waray kinahahadlukan
Pero diri na makakauli ha iya natawhan.
[Walang modo, walang silbi at walang kinatatakutan
Pero hindi na makakauwi sa kanyang sinilangan.]

Lampas

f367f2f5055b0ce0f8639fe10e858f5f

Buong pag-aakala ko’y nahihimbing na si Dolores sa tabi ko, ngunit siya’y pumihit mula sa aking yakap at tumingin sa akin.
“Ang pag-ibig sa panahon ng digmaan ay sadyang hindi patas,” ang pabulong niyang sabi habang namumugto ang kaniyang mga mata. Palihim pala siyang nananangis sa katahimikang bumalot sa silid matapos naming magsiping.
Bahagya akong napangiti saka hinagkan ang kanyang noo.
“Akin siya at ako’y kanya, ngunit ‘di nila ‘yon alintana,” pagpapatuloy niya. “Kinuha siya mula sa akin at ipinadala sa isang malayong pulo. Wala man lamang paalam.” Tig-isang patak ng luha ang nagpatihulog mula sa kaniyang mga mata at dumulas sa kaniyang mga pisngi. “Wala man lamang paalam.”
Dalawang linggo na mula nang ika’y pumanaw sa pakikipagbakbakan. Inihatid nila sa sitio ang iyong labi kinabukasan. Labis ang pighati ng iyong pamilya, lalo na ng irog mong si Dolores. Noong gabing iyon ay mga hikbi at palahaw lamang ang madidinig mula sa inyong tahanan na dati’y umaalingawngaw sa tawanan. Bilang kaibigan ay dinamayan ko ang mga iniwan mong mahal sa buhay. Subalit lingid sa kanilang kaalaman ay mayroong mas malalim na ugat ang aking pagluluksa.
“Minahal ko siya,” wika ni Dolores habang nakahimpil sa aking bisig. “Labis ko siyang minahal.”
Hindi ko masabi na tulad niya ay minahal din kita. Hindi ko rin maisalaysay ang ligayang natamo natin sa piling ng isa’t isa.
Una tayong nagkakilala sa isang umpukan sa may plasa at doo’y nagtagpo ng makailang ulit. Ngayo’y nilalampas-lampasan ko na lamang ang lugar na iyon, dahil hindi ko ito kayang tunguhin nang wala ka. Ngunit ngayong araw ay naroon si Dolores na balot ng hapis ang kaniyang mukha. Hindi ko maatim na lampasan siya. Nang lapitan ko siya ay niyapos niya ako at sinabing tila dinudurog ang kaniyang puso. Hinagkan ko siya at inalala ka. Nawa’y malampasan namin ang iyong pagkawala.
[Inspired by ‘Wish I Could’ by Norah Jones]

Inakalang Umaga

moon-venusnov1120121

Sanggol na isinilang sa halik ng tag-init
Ang iyong mga mata’y kay tagal nakapikit.
Kay tagal tinamasa kawalan ng pasakit
Kaya ika’y nabigla sa ‘yong unang pagpihit.

Nang una mong imulat ang iyong mga mata
Ay nasilaw ka agad sa kislap na kay ganda
Na kahit mumunti, akala mo ay sapat na
Upang maliwanagan ang gabing kay dilim pa.

Lubos mong pinanghawakan ang kislap na ito
Na tila ikaw lamang ang mayroong ganito,
Ngunit munting musmos, hindi mo pa mapagtanto
Na ang kislap na tangan mo’y sa araw hinango.

Kaya, bagong-silang, ang hakbang mo’y maiksi pa
Huwag mong iisiping lahat ay nakita na
Habang ika’y nakatingin sa buwang kay ganda,
Inakala mong araw ngunit ‘di pa umaga.