Namulat ako sa dakong silangan
Kung saan tangan ng hangin halimuyak ng karagatan;
At ang sikat ng araw ay malamyos kung humaplos
Sa balat ng sinuman na sa maghapon ay hapo.
Sa kandungan ng kalangitan ng gabi ay isinasaboy
Ng pilak na buwan ang di mabilang na bituin;
At aking uyayi sa payapang pagtulog
Ay ang awit ng along nababasag sa pampang.
Ngunit di sapat sa akin ang manahan sa paraiso–
Ako ay naakit ng pawang kamunduhan,
At ako’y dagliang lumuwas tungo sa kaunlaran
Na siyang pangako ng malawak na Kamaynilaan.
Aking dinatnan ay malayo sa inaasahan–
Itinapon ko pala ang sarili ko sa kawalan.
Ngunit ako ay isinilang ng isang sinapupunan
Na naglalagablab sa apoy ng katapangang
Bunsod ng aming lahi na siyang unang dinatnan
Ng mga nangahas na sakupin ating bayan.
Sinasabi nilang ako’y may sukbit na sundang,
Ngunit di patalim ang siyang nakakapit sa akin–
Ako ang siyang kumapit sa patalim.
Maynila, Maynila, ang lansangan mo’y ugat
Kung saan dumadaloy ang iyong buhay at sigla;
Ngunit heto ako ngayon, umaaligid
Sa iyong karimlan, pakay ay nalilingid
Sa mga mata mong tila parating nasisilaw
Sa mga kumukutitap at kumikinang na ilaw
Na minsan inakala ko ay mina ng ginto,
Ngunit di lahat ng kumikislap ay may yamang itinatago.
Tulad na lamang ng kislap na aking tangan ngayon
Na sa iba’y walang dulot kundi kapahamakan,
Ngunit sa akin ito lamang ang natatanging paraan
Upang isip ko ay malingat sa paraisong kinagisnan.
Ang mga bituin na aking tinitingala sa Samar
Ay tila nawawala sa kalangitan ng Maynila.
Ayun pala ay ibinaba at ikinabit
Sa matatayog at lumulukob na mga gusali;
Ang hangin naman kung saan noon ay naaamoy
Ang alat at lamig ng busilak na Pasipiko,
At kung saan naririnig alon at huni ng ibon
Katumbas sa lungsod ay usok at alingasaw
Na di matutumbasan ng anumang salita.
Kawatan man akong itinuturing dito sa Kamaynilaan,
Ako naman itong siyang hinablot mula sa kinagisnan.
Nabulag at napasunod ng mga pangakong walang laman,
At ngayong nahubaran ng aking kahihiyan,
Ay hindi na makakayang manumbumalik sa aking tahanan.
Ang aking puso at dugong isinilang sa silangan;
Ang pagiging Waray ko ang tangi kong pinanghahawakan:
Waray modo, waray upay ug waray kinahahadlukan
Pero diri na makakauli ha iya natawhan.
[Walang modo, walang silbi at walang kinatatakutan
Pero hindi na makakauwi sa kanyang sinilangan.]