Karampatang Alay

karampatang alay
Photo by Wallace Chuck on Pexels.com

Tayo’y nagtagpo sa tagubilin ng mga tala,
Inanod ng tadhana sa pampang ng bawat isa.
Magkaibang daigdig, nang magsalpukan ay nagbunga
Sa mga unang kataga sa kalatas nating dalawa.

Sa mga silakbo’t hiyaw, tayo’y nakahanap ng hinahon.
Ika’y mata ng bagyong nanahan sa mga alon
Ng dagat ng aking diwa, ‘di alintana ang panahon,
Hanggang dalisay na pag-ibig mula sa puso ko’y umahon.

Iyong pinunan ng galak ang aking kawalan,
Ang mundo kong walang saysay ay binigyan mo ng dahilan,
Nagsabog ka ng liwanag sa aking karimlan,
Kaya karampatang alay sa ‘yo’y ang buong kalawakan.

Ngunit ang tanging hiling mo lamang ay pagtingin ko,
Ilang sulyap, at katuparan sa madadaling pangako —
Pangako ng katapatan at pagbawal sa pagsuko
Sa iba ng aking pusong lubusan mong sinakop.

Por El

[Wika: Filipino at Español]

Giliw, ang kalugdang dulot mo ay walang kahalintulad!

Noong bawiin ng lumikha ang aking ngiti,

Ito ay agaran at malugod mong naipanumbalik.

Ang kasiyahang hatid mo ay walang kapantay,

Iyong bawat bukambibig ay sanhi ng aking ligaya.

¿Dónde estás, mi encanto?

Deseo tu sonrisa brillante,

Y quiero escuchar tu rica risa!

Giliw ko, mi encanto, esto es para ti.

Ikaw na puno’t ugat ng aking saya,

Mi tesoro, mi vida y mi único amor,

Sapat nang gantimpala ang makapiling ka.

Sa Nilingap

Ito ay alay sa pagpanaw ng aking diwa,
Sa pagmaliw ng liwanag ng aking kaisipan,
Sa pagpikit ng matang binulag ng dilim,
At sa paghimlay ng kaluluwang hapo.

Wala nang patutunguhan ang mga binting kumalas;
Walang panghahawakan mga daliring nanigas;
Wala nang kayang damhin ang pusong huminto;
Lahat ay wala na sa hiningang nalagot.

Tanging nais na lamang ay yapos ng tahanan,
At nang mapawi na ang pagod ng kalooban.
Nais kong umuwi sa inyong mga ngiti;
Inyo akong salubungin ng yakap at halik.
Ang tahanang binuwag at kay tagal na hinagilap
Ay babalikan na nilang mga nilingap.

Tanikalang Pula

red_chain

Iginapos mo ako, ama, sa tanikalang pula–
Pagkakagapos kung saan ako’y walang paglaya.

Nais kong maka-alpas, ama. Nais kong lisanin ka.
Ngunit walang hanggan ang sukat ng tanikalang pula.

Bigat ng iyong mga sala’y nakakabit sa akin,
Pasan at hatak ko, ama, sa’n man aking tunguhin.

Hindi ako makalalayo sa iyo, aking ama.
Hindi ako mawawalay sa ‘yong tanikalang pula.

Paano pahihintuin, ama, daloy sa ‘king ugat?
Upang maubos ang dugo, ilan pang sakit at sugat?

Sa paghayo ko, ama, tangan ang tanikalang pula,
Batid kong sa pagyao ko, ito pari’y hila-hila.

Gayong malayo sa tahanan at sa ‘yo, aking ama,
Ako’y nakatali pa rin sa ‘yong tanikalang pula.

Giliw

4

Giliw ko, ang bukal ng aking kaligayahan,
Bakit pinili mong sa mundong ito manahan
Samantalang nararapat ka sa karangyaan?

Napakarami kong nais ilaan sa iyo,
Bukod sa puso’t diwang pinanghahawakan ko,
Dahil dapat kang pag-alayan ng buong mundo.

Naaalala mo ba, sinta, na nanangis ka
Sa dahas ng kapalarang dinanas ng iba
Na umibig at ‘di nasilayan ang umaga?

Kaya naman, mahal, lagi mong alalahanin
Na labis ang hirap sa pag-abot ng mithiin
Nating maging walang hanggan ang ugnayan natin.

Ngunit, irog ko, pangako ko ay magtitiis
Upang makapiling ka sa ligaya’t hinagpis
At hiling ko’y ito rin ang iyong ninanais.

Giliw ko, pag-ibig mo ay aking kasiyahan.
Ikaw ang lakas at maging aking kahinaan.
Giliw ko, sinakop mo ang aking kaisipan.
Nawa’y ibigin mo ako hanggang walang hanggan.

Ang Diwata at ang Pantas (Unang Bahagi)

Minsan ay mayroong isang dalagang umibig sa isang binata, ngunit hindi pangkaraniwan ang pag-ibig na ito. Silang dalawa ay nananahan sa magkaibang mundo.

Ang binata ay matikas at mahinahon sa pakikitungo sa sino mang kaniyang makadaupang-palad. Siya rin ay masipag at mapag-aruga sa kaniyang mag-anak. Ngunit mababakas sa kaniyang mga mata ang silakbo ng silanganing dugong nananalaytay mula sa kaniyang puso tungo sa bawat sulok ng kaniyang katawan at pagkatao.

Ang dalaga naman ay marikit at mapagmatyag. Taglay niya ang kaalamang katumbas ang ‘di mabilang na mga taon. Siya ay tahimik kung kumilos at walang nakababatid sa kaniyang saloobin. Higit sa lahat, isa siyang makapangyarihang diwatang nangangalaga sa isang pook na mahalaga sa mga tao.

Unang nasilayan ng diwata ang binata noong magawi ito sa pook na sakop niya. Ang sadya ng binata doon ay ang kaniyang kapatid na naninirahan sa himpilan ng mga pantas. Tulad ng kaniyang kapatid ay nais din ng binatang mapabilang sa mga pantas ng kaniyang bayan.

Namalas ng diwata ang taglay na husay ng binata nang sumailalim ito sa mga pagsubok at pagsusulit upang maging isang pantas. Batid ng diwatang karapat-dapat ang binatang ito na maging isang pantas. At dahil na rin sa namumukadkad na pagtingin ng diwata sa binata, ay ninais na rin niyang manatili sa kaniyang pook ang binata.

Ilang buwan ding nanatili ang binata sa himpilan. Ilang beses ding namataan ng diwata na may kasiping ang binatang siyang nagpapalit ng irog nang mas madalas pa sa pagpapalit-anyo ng buwan. Marahil ay nagbunga ito ng poot sa puso ng diwata, at ginawa niya ang lahat sa abot ng kaniyang makakaya upang maitaboy ang lalaki mula sa kaniyang pook.

Nadama ng binata ng himagsik ng kaniyang kapaligiran. Daglian niyang nilisan ang himpilan at hindi na ipinagpatulong ang pagiging pantas.

Hindi nagtagal buhat ng paglisan ng binata ay sumiklab ang digmaan sa kanilang bayan. Nasiyahan ang binata dahil mayroon nang mapaglalagakan ang apoy ng kaniyang dugo, at hindi siya nagdalawang-isip pa na sumabak sa bakbakan. Ang mga pantas ng himpilan ay sumama rin sa pakikibaka, at ang diwata ay naiwang tumatangis sa kaniyang masalimuot na pagsinta.

Panaghoy ng Alimuos

manilatrees

Isang hamak na mukha na may napipiping tinig;
Isang munting patak sa malawak na karagatan;
Isang mahinang awiting nalulunod sa himig
Ng sigalot at sigwa nitong ating sanlibutan.

Bagaman nakatutok ang inyong mata sa akin,
Ay batid kong hindi ako ang inyong minamasdan.
Sapagkat ako’y nilampasan ng inyong paningin,
Palayo nang palayo sa pawang katotohanan.

‘Di ko mawari kung sino ang nagpasyang damitan
Ako’t ang mga tulad ko ng kaalimuosan.
Dahil ba sa hindi sapat ang aming kagandahan,
Salat sa karangyaan o anumang kayamanan?
Kaya ba napakadali sa inyong talikuran
Kami ay dahil kami ang inyong kapangitan?

Ang mga bangungot ba ay hindi dapat pansinin?
Ang panaginip lamang ba ang may silbi sa atin?
Wala bang tunguhin ang mga alabok sa hangin
Kaya sila’y nararapat lamang na maliitin?
Kaibigan, kaibigan, kami ay kapwa mo rin;
Hiling ko sa inyo, sana’y huwag kaming limutin.

Pag-angkin

Image-Eric-Kilby-Embrace-Sculpture1-700x467

Aangkinin kita hanggang sa maupos ka,
Ilaan mo sa akin ang iyong bawat hininga.
Ang tibok ng puso mo’y mapasa akin din nawa,
Gayon din ang iyong kaluluwang ‘sing tanda ng mga tala.

Sa bawat pagsilang at kamatayang iyong danasin
Nawa’y sa piling ko lamang iyong gugulin;
Sa mga bisig ko at sa aking damdamin
Sana ika’y tangayin tuwing iihip ang hangin.

Pagtangkilik ko sa iyo’y walang pinipiling panahon:
Sa liwanag, sa dilim; sa paglubog at pag-ahon.
Ikaw man ay magawi sa napakalayong nayon,
Ay susuungin ko ang mga nagngangalit na alon.

Sapagka’t, sinta, nais kong mabatid mo
Na tanging ikaw lamang ang iibigin ko
Sa simula at pagtapos at sa walang hanggan,
Ako ay tanging sa iyo lamang nakalaan.

Sa saksi’t kapangyarihan ng dakilang lumikha,
Sa paggising, panaginip, katotohanan at katha,
Ikaw lamang, ikaw lamang ang aking minimithi
At nais paglagakan ng pusong nagsusumidhi.